Ikinustodiya ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 17 mula sa 28 mga barko na sangkot sa dredging activities sa probinsiya ng Zambales matapos makitaan ng ilang deficiencies.
Ito ay kasunod ng isinagawang marine environmental protection (MEP) inspection and vessel safety enforcement inspection (VSEI) sa nasabing mga barko sa ilalim ng direktiba ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan kung saan nakapagtala ng 344 deficiences.
Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, lahat ng 17 ikinustodiyang mga barko ay kabilang sa 25 bareboat charters na rehistrado sa PH.
Nasa 3 naman mula sa 28 ininspeksiyong barko ay mga dayuhan partikular na mula sa China, Sierra Leone at Panama.
Noong Martes, Marso 19, nadiskubre na ang cutter suction dredger ng China ay mayroong 6 na deficiences, 7 sa anchor boat ng Sierra Leone habang 12 naman mula sa tugboat ng Panama.
Noong Miyerkules, Marso 20 naman natukoy ng PCG sa kanilang inspeksiyon sa isang suction cutter, tugboat at isang anchor boat.
Kaugnay nito naglabas ang PCG ng Enforcement Inspection Apprehension report para sa adjudication ng Coast Guard Station (CGS) Zambales.
Ang naturang inspeksiyon ay kasunod na rin ng pasusulong ng imbestigasyon sa Senado kaugnay sa walang tigil na dredging activities na umano’y isinasagawa ng Chinese workers sa coastal areas ng Zambales.
Subalit depensa naman ni Zambales Governor Hermogenes Ebdane Jr. na isinasagawa ang naturang mga aktibidad para linisin ang ilog na nabarado dahil sa buhangin at lahar kasunod ng pagsabog noong 1991 ng Bulkang Pinatubo.