Umabot na sa 23,014 katao mula sa 6,793 pamilya ang inilikas at kasalukuyang nanunuluyan sa 117 evacuation centers sa lungsod dahil sa matinding pagbaha dulot ng habagat.
Ayon sa Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), lubog pa rin sa baha ang ilang barangay, kabilang ang mga lugar na may taas ng tubig mula tuhod hanggang dibdib.
Iniulat rin ng QCDRRMO ang apat na kaso ng posibleng pagkalunod na kasalukuyang iniimbestigahan. Pansamantalang itinigil ang ilang rescue operations kagabi dahil sa malakas na agos ng tubig.
Mahigit 1,000 tauhan mula sa lungsod, national agency, at volunteer groups ang rumesponde upang tumulong sa mga apektadong residente.
Prayoridad ng lungsod ang kaligtasan at kapakanan ng mga evacuees habang pinayuhan naman ang mga residente na manatiling alerto at tumawag sa Helpline 122 para sa anumang tulong.