Nanawagan ang mga lokal na opisyal para sa mas mataas na antas ng paghahanda sa lindol, kasabay ng mga isinagawang earthquake drills sa iba’t ibang lungsod sa Metro Manila bilang paghahanda sa posibleng 7.2-magnitude na lindol kung gagalaw ang West Valley Fault.
Sa Quezon City, nagsagawa ang Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO) ng “Walk the Fault” activity kasama ang City Engineering Department at Department of Building upang inspeksyunin ang mga kalsada at gusaling nasa linya ng fault.
Nilagyan din nila ng mga marker ang mga lugar na tinatamaan ng fault line.
Kabilang sa mga barangay na dumadaan ang fault ay ang Bagong Silangan, Batasan Hills, Matandang Balara, Pansol, Blue Ridge B, Libis, Bagumbayan, White Plains, at barangay Ugong Norte.
















