Nakikitang posibleng pagmulan ng pinakamaraming casualties sakaling tumama ang pinangangambahang magnitude 7.2 o “The Big One” ay ang pamilya ng mga informal settler o mga indibidwal na naninirahan sa squatter areas na mula sa iba’t ibang probinsiya at nakipagsapalaran sa Metro Manila.
Sa pagdinig ng panukalang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Senate subpanel on Finance ngayong araw, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na kailangang palakasin pa ang building codes para sa mga munisipalidad upang masuri ang integridad ng kani-kanilang istruktura.
Sakali man aniya na tumama ang the big one, dito na binanggit ng kalihim na karamihan sa casualties ay posibleng magmula sa informal settlers dahil wala sa kanilang mga gusali ang itinayo nang may permits, na pangunahing mapipinsala sakaling may malakas na lindol at ginagamit din aniya ng mga ito sa pagluluto ay kerosene at iba pang hindi na-regulate na isang pangunahing sanhi ng sunog.
Ginawa ng kalihim ang pahayag matapos matanong ni Sen. JV Ejercito kung ano ang ginagawang paghahanda ngayon ng ahensiya para sa posibleng pagtama ng malakas na lindol na maaaring magdulot ng matinding pinsala sa rehiyon.
Bilang aksiyon naman, sinabi ni DILG USec. Marlo Iringan na mayroon ng ilang nabuong protocols ang ahensiya na maaaring magamit ng mga lokal na pamahalaan para mapaghandaan ang anumang pangyayari.
Una rito, base sa pag-aaral noong 2014, sa pakikipagtulungan sa Japan International Cooperation Agency (JICA), maaaring magresulta ang malakas na lindol sa mahigit 34,000 pagkasawi at 114,000 injuries.