-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Tukoy na at sinampahan ng kaso sa korte ang 15 katao na sangkot sa pagpatay sa dayuhang negosyante at Chief of Police ng Carmen North Cotabato.

Ito mismo ang kinumpirma ni Carmen Cotabato Mayor Moises Arendain.

Matatandaan na hinold-up at pinatay ang Indian National na si Loveprect Singh Brar at tinangay pa ang kanyang motorsiklo ng mga suspek sa Sitio Tawan-Tawan Brgy Poblacion Carmen Cotabato.

Agad na nagresponde si Carmen Chief of Police, Major Joan Resurreccion kasama ang isa niyang tauhan sakay ng motorsiklo.

Pagsapit nila sa bahagi ng quarry site sa Sitio Tawan-Tawan Brgy Poblacion sa bayan ng Carmen ay nagkaroon ng palitan ng bala laban sa mga suspek na nag-aambang sa gilid ng kalsada habang ang iba ay patakas na sakay ng bangka sa ilog tangay ang motorsiklo.

Tinamaan sa balikat at kili-kili si Major Resurreccion at dinala ng kanyang mga kasamahan sa Carmen District Hospital ngunit makalipas ang ilang minuto ay binawian rin ng buhay.

Inilarawan ni Mayor Arendain si Major Resurreccion na isang mabait, matalino, mapagmahal sa pamilya at pala-kaibigan ngunit matapang na opisyal ng pulisya.

Dagdag ng Alkalde na walang dapat ika-bahala ang taumbayan dahil kontrolado ng mga otoridad ang sitwasyon ngunit kailangan lamang na mapagmatyag, agad isumbong sa mga pulis ang mga taong kahina-hinala ang galaw at may mga armas.

Tumanggi naman si Carmen OIC Chief of Police,Major Judgie Barotas na pangalanan ang mga suspek dahil nagpapatuloy pa ang kanilang imbestigasyon.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng pulisya at militar ang seguridad sa bayan ng Carmen Cotabato.