-- Advertisements --

Nanindigan si acting Philippine National Police (PNP) chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na tungkulin ng pulisya na tumalima o sumunod sa mga panuntunang ipinapatupad ng National Police Commission (Napolcom).

Ito ang naging kasagutan ng heneral nang matanong ukol sa impluwensiya o papel ng komisyon sa pambansang pulisya.

Ayon kay Nartatez, may malinaw na mandato ang Napolcom na pangasiwaan ang PNP, at magkaroon ng operational supervision sa police organization.

Mayroon din aniyang administrative control ang komisyon sa pambansang pulisya, na dapat sundin ng pamunuan.

Giit ng heneral, ang Napolcom ang nagsisilbing watchdog ng PNP at may karapatan itong panagutin ang mga pulis at bantayan ang aksyon ng mga ito bilang gabay sa police force.

Natanong din ang heneral ukol sa posibleng pagsalungat ng Napocom sa kautusan niya bilang OIC ng PNP.

Sagot nito, dapat ay palaging magsisilbing gabay ang mga panuntunang inilalabas at ipinapatupad ng komisyon sa kaniyang mga magiging desisyon.

Ang Chief PNP ay nagsisilbi bilang ex-officio member ng Napolcom Board. Sa ganitong sistema, nagkakaroon ng direktang ugnayan sa pagitan ng police organization at ng naturang komisyon.

Kasama niya sa Board ang lima sa mga regular commissioner na ina-appoint ng Napolcom at ang kalihim ng Department of the Interior and Local Government na nagsisilbi bilang Chairman of the Board.