-- Advertisements --

Ipinatawag ng Denmark ang pangunahing diplomat ng Estados Unidos sa kanilang bansa matapos lumabas ang ulat na may tatlong Amerikano, na may koneksyon umano kay U.S President Donald Trump, ang sangkot sa ”influence operations” o tangkang impluwensiyahan ang pulitika sa Greenland.

Ayon kay Danish Foreign Minister Lars Løkke Rasmussen, hindi kataka-taka na may mga banyagang bansa na interesadong maka-impluwensiya sa Greenland, ngunit aniya, hindi katanggap-tanggap ang anumang panghihimasok sa panloob na usapin ng Kaharian ng Denmark.

Kinumpirma naman ng U.S. State Department na nagkaroon nga ng pagpupulong sa pagitan ng Danish Foreign Ministry at ng U.S. Chargé d’Affaires na si Mark Stroh, ngunit tumanggi itong magbigay ng komento sa mga aksyon ng mga private citizen ng Amerika sa Greenland.

Matatandaang ilang ulit nang ipinahayag ni Trump ang kagustuhang bilhin ang Greenland, na mariing tinutulan ng mga opisyal ng Denmark at Greenland.

Ayon naman sa Danish Security and Intelligence Service, may mga pagtatangkang sirain ang ugnayan ng Denmark at Greenland sa pamamagitan ng ”influence campaigns” at disinformation.