Labinlimang employer sa Tuguegarao ang pinadalhan ng show cause orders ng Social Security System (SSS) noong Hulyo 23, 2025, sa isinagawang Run After Contribution Evaders (RACE) campaign upang hikayatin silang sumunod sa batas ng SSS.
Ayon kay SSS Tuguegarao Branch Manager Guadalupe Castillo, walo sa mga employer ay hindi rehistrado ang kanilang mga empleyado, na apektado ang 31 manggagawa.
Samantala, pito naman ang hindi nagreremit ng kontribusyon para sa 26 empleyado.
Umabot na kasi sa P883,000 ang kabuuang obligasyong dapat bayaran ng mga employer.
Binigyan lamang ng 15-araw ang mga employer upang bayaran ang kanilang obligasyon o makipag-ugnayan sa SSS para sa reconciliation o pagsumite ng mga kinakailangang dokumento.
Ito na ang ikalawang pagkakataon ngayong taon na nagsagawa ng RACE campaign sa lungsod, at ayon kay Castillo, magpapatuloy ang mga biglaang inspeksyon upang maprotektahan ang karapatan ng mga manggagawa.
Pinayuhan din ng SSS ang mga miyembrong tumigil sa pagbabayad na bisitahin ang pinakamalapit na SSS branch upang ma-update ang kanilang records at muling makakuha ng benepisyo mula sa ahensya.