Karagdagang 14 ang bagong napaulat na mga Pilipinong nakarekober sa COVID-19 sa ibayong dagat.

Sa datos na inilabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) hanggang May 23, pumalo na sa 878 ang OFWs na gumaling na sa COVID-19.

Umakyat naman sa 2,522 ang mga Pinoy na kumpirmadong positibo sa COVID-19 mula sa 46 na bansa at rehiyon.

Sa naturang bilang, 1,353 ang patuloy na nagpapagaling sa iba’t ibang mga ospital.

Samantala, 291 naman ang mga Pinoy sa ibang bansa na binawian ng buhay dahil sa COVID-19.

Nananatiling ang Europa ang pinakamaraming naitalang kumpirmadong COVID-19 positive na Pinoy na may 785 na kaso.

Sumunod ang Middle East/Africa na may 719 confirmed COVID-19 positive cases, habang nasa 560 naman ang kaso sa Americas at 458 sa Asia-Pacific Region.