BUTUAN CITY – Dismayado ang isang ama matapos na muntikang madale ang kanyang 14-anyos na dalagitang anak dahil sa ligaw na balang tumagos sa kanilang bahay habang nanonood sila ng TV sa bisperas ng Pasko.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Joy Escobido, residente ng Purok 9, Brgy. Poblacion. Bayugan City, Agusan del Sur, pasado alas-otso ng gabi nang makarinig sila ng malakas na putok na sa pag-aakala nila’y binato na ang kanilang bahay kung kaya’t kaagad niya itong nilabas.

Sa kanya ng pagbalik na sa loob ng bahay nang kanilang matagpuan ang bala ng kalibre 45 na pistola na 3-pulgada lamang ang distansya mula sa kinatatayuan ng kanyang anak.

Lumabas sa pagsusuri ng pulisya na mula sa bubong na nipa ay tumagos ang bala at napunta sa kurtina na posibleng syang dahilan na hindi ito tumama sa ulo ng kanyang anak.