LAOAG CITY – Nahilo ang halos 100 estudyante sa Ilocos Norte National High School dahil sa magnitude 5.8 na lindol.
Ayon kay Mr. Jerry Carreon, School Principal IV ng paaralan, ang mga estudyante ay dinala sa School Clinic, ospital, Office of the School Principal at Student Activity Center.
Gayunman, aniya, wala sa kanila ang nasugatan ngunit kinakabahan lamang dahil sa kanilang pagkabalisa at takot.
Dahil sa pagtama ng lindol, agad na sumugod ang mga magulang sa nasabing paaralan para sunduin at iuwi ang kanilang mga anak.
Nagtulungan naman ang City Disaster Risk Reduction and Management Office at Bureau of Fire Protection para gabayan ang mga mag-aaral.
Una rito, idineklara ni Gov. Cecilia Araneta Marcos ang class suspension sa lahat ng antas sa pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan ng Ilocos Norte dahil sa magnitude 5.8 na lindol.
Kaugnay rito, ipinaalam ni Mr. Marcell Tabije, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na walang naitalang nasugatan o pinsala dahil sa lindol.
Samantala, dahil sa lakas ng impact ng lindol ay nagsibagsakan ang mga ilang mga itinitindang mga produkto at kagamitan sa isang mall sa bayan ng San Nicolas habang ang mga empleyado naman ng Provincial Capitol at City Hall ay dali-daling nagsilabasan ang mga ito dahil sa takot at pangamba sa lindol.