Naga Cebu map

CEBU CITY – Kalunos-lunos ang sinapit ng 14-anyos na dalagita matapos itong nadiskubreng ginilitan ang leeg at wala ng buhay sa damuhan ng Purok Caimito, Barangay Guimbawian, bayan ng Pinamungajan, Cebu.

Kinilala ang biktima na si Justine Endayo, residente sa nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Major Felicisimo Aranas, Jr. hepe ng Pinamungajan PNP, sinabi nito na may concerned citizen na nag-report sa pulisya na may bangkay sa nasabing lugar kaya agad nila itong pinuntahan.

Aniya, nakita nila ang bangkay na tinabunan ng kumot at nang kanilang tiningnan sinasabing may marami itong pasa sa katawan at ginilitan pa umano ang leeg nito.

Sa kanilang inisyal na imbestigasyon, inihayag ng hepe na noong Linggo ng gabi ay nakita pa raw ang biktima sa loob ng kanilang bahay kasama ang nakababata nitong kapatid ngunit noong madaling araw ng Lunes ay sinasabing nawala na.

Nabatid na wala ang mga magulang ng biktima ng panahong iyon dahil naglalako ang mga ito ng gulay sa palengke sa lungsod ng Cebu.

Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon at may sinusundan ng person of interest ang pulisya.