BAGUIO CITY – Lalo pang nadagdagan ang bilang ng mga pamilyang tinulungan ng Police Regional Office–Cordillera (PROCor) sa pamamagitan ng “Kapwa Ko, Sagot Ko! Adopt-A-Family Program.”
Ayon kay PROCor Information Officer PMaj. Carol Lacuata, aabot na sa mahigit 13,000 na pamilya ang natulungan ng PROCOR.
Boluntaryong namigay ng donasyon ang mga miyembro ng PROCor mula sa municipal at city level hanggang sa regional level at nagmula ang kanilang donasyon sa sarili nilang sahod.
Nakalikom ang PROCor ng P10-milyon na kanilang ginamit sa pagbili ng bigas, de-lata, noodles, asukal, non-food items at iba pa.
Inihayag ni Lacuata na napiling benepisaryo ang mga pinaka-mahihirap na pamilya, mga senior citizens, persons with disabilities at iba pa.
Namahagi pa ang PROCor ng face masks sa mga benepisaryo para maprotektahan ang mga ito laban sa COVID-19.
Isinasagawa ng PNP ang “Kapwa Ko, Sagot Ko! Adopt-A-Family Program” para matulungan ang mga naapektuhan ng COVID-19 crisis.