LAOAG CITY – Ginulantang ang Ilocos Norte ng 6.7 magnitude na lindol kagabi na sumentro sa Tineg, Abra kung saan sa lungsod ng Laoag ay may 10 karpintero ng Dap-ayan Commercial Building na proyekto ng provincial government ang sugatan.
Sa paglilibot ng Bombo news team sa ilang pangunahing kalsada sa lungsod ng Laoag ay nakita ang maraming tao na nagsilabasan sa kanilang mga bahay dahil sa takot at sa mga aftershocks.
Ayon kay Michael Macabenta, isa sa mga sugatan, nagulat na lamang umano siya dahil sa sigaw ng kanyang mga kasama dahilan para agad silang magtakbuhan.
Sinabi nito na noong lumilindol na ay hindi na niya alam kung anong posibleng mangyari sa kanila dahil sa panic.
Ngunit dahil sa biglaang pagkawala ng suplay ng kuryente ay hindi nila nakita ang kanilang daanan kung kaya’t kasama siya sa gumulong at naapakan.
Sa Barani-Ben-agan Bridge sa Batac at Batac-Banna Road ay temporaryong isinara dahil sa nagkabitak na lupa at kalsada.
Sa bayan ng Sarrat, may mga nasira ring bahagi ng isang simbahan sa Sta. Monica Church tulad ng pagbagsak ng mga bricks at pagkasira ng lumang kumbento at bell tower ng naturang simbahan.
Kasama rin sa nasira ay ang imahe ni Hesukristo kung saan natanggal ang kaliwa nitong kamay dahil sa pagkatumba at pagkabasag nito.
Maliban dito, nasira rin ang welcome arc sa bayan ng Marcos at dahil sa lakas ng lindol ay pumagitna pa sa kalsa ang isang bus.
Napag-alaman din na may mga natumbang mga medical oxygen at iba pang medical equipments sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center.
Liban nito may mga nasira at gumuho ring bahagi ng nasabing ospital.
Dahil din sa lakas ng lindol, hindi rin nakaligtas ang Marcos Photo Gallery sa lungsod rin ng Batac kung saan nagsibagsakan ang mga semento na bahagi ng nasabing gusali.
Dahil sa pangyayari, agad na naglabas ng anunsiyo si Gov. Matthew Marcos Manotoc kagabi na suspindehin ang klase sa lahat ng antas sa parehong pampubliko at pribadong paaralan at maging ang pasok sa trabaho sa lahat ng mga opisina ng gobyerno sa lalawigan.
Ito ay para mag-inspect sa mga infrastructure damages dulot ng malakas na pagyanig.