Nadagdagan pa ng 10 local government units (LGUs) ang lumagda para maging partner ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) sa kanilang misyon na makapagpatayo ng isang milyong bahay kada taon sa susunod na anim na taon.
Ang naturang proyekto ay nasa ilalim ng flagship Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Layon nitong matugunan ang housing gap na 6.5 million units sa bansa.
Ang katatapos lamang na paglagda ay kasama na sa 28 na kabuuang bilang ng mga LGUs na pumirma sa memorandums of understanding (MOUs) sa DHSUD.
Ito ay para pormal nang maipursige ang housing projects sa kanilang mga area.
Sa 28 LGUs, nasa 11 ay nasimulan na ang ground breaking kasama na ang Quezon at Marikina sa National Capital Region (NCR).
Kabilang naman sa mga pinakaghuling LGU-enrollees ay ang Bohol province, ang lungsod ng Mandaue at Tagbilaran; Panglao, Bohol at anim na munisipalidad mula sa mga probinsiya ng Oriental at Occidental Mindoro.
Sinabi ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na dahil sa nag-uumapaw na suporta ng mga LGUs ay nasa right track daw ang housing program ng pamahalaan.