-- Advertisements --

Nag-courtesy call kaninang umaga si boxing legend at dating senador Manny Pacquiao kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Malacañang.

Ito’y para hingin ang suporta ng Pangulo sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng “Thrilla in Manila” sa darating na Oktubre 29.

Layon nitong muling buhayin ang makasaysayang laban nina Muhammad Ali at Joe Frazier sa Araneta Coliseum noong 1975 na personal na nasaksihan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ibinalita ni Pacquiao na nakuha nila ang buong suporta ng Pangulo para sa selebrasyon, at ng iba pang ahensya ng gobyerno.

Kasabay nito, kinumpirma ng People’s Champ na personal na manonood si Pangulong Marcos sa gaganaping “Thrilla in Manila Part 2.”

Bilang pasasalamat, iniregalo ni Pacquiao sa Pangulo ang kanyang WBC belt at gloves, habang ibinahagi naman sa kanya ni Pangulong Marcos ang hindi makakalimutang encounter kay Muhammad Ali nang minsang nanood sya ng training ng naturang legendary boxer.