-- Advertisements --

Inihayag ng Kataas-taasang Hukuman na posibleng malaglag o hindi maisama sa ‘shortlist’ ng Judicial and Bar Council ang mga aplikante bigong makapagsumite ng Ombudsman clearance. 

Ayon sa tagapagsalita ng Korte Suprema na si Atty. Camille Sue Mae Ting, maaaring hindi maisama sa mga nominado sina Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at Philippine Charity Sweepstakes Office Chairperson Felix Reyes. 

Ito’y dahil sa ang mga nabanggit kasi ay kasalukuyang wala pang naisusumiteng clearance mula sa Ombudsman sa kanilang aplikasyon para sa naturang posisyon. 

Ngunit sa kabila nito’y sila’y humarap pa rin sa isinagawang public interview ng Judicial and Bar Council sa Korte Suprema. 

Paliwanag kasi ni Atty. Camille Sue Mae Ting, ito’y dahil sa binigyan lamang ang mga aplikante ng hanggang sa araw ng pinal na deliberasyon upang maisumite ang kinakailangan ‘clearance’. 

Bagama’t hindi niya binanggit ang tiyak na petsa, kanyang ibinahagi na ito’y aasahan magaganap sa mga susunod na linggo. 

Dito binigyan paliwanag ng naturang tagapasalita ng Korte Suprema na ang pagsusumite ng Ombudsman clearance ay kabilang sa mga requirements para maging nominado sa shortlist ng Judicial and Bar Council.

Mahalaga aniya ito sapagkat obligasyon at responsibilad ng Ombudsman ay mag-imbestiga lalo na ng mga opisyal ng gobyerno. 

Kanya pang sinabi na ang ‘clearance’ mula sa Ombudsman ay upang maipakita na may ‘probity’ o good moral standing ang maitatalaga para sa posisyon. 

Samantala, ibinahagi naman ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na siya’y maghahain ng mosyon para maresolba ang reklamo kinakaharap sa Ombudsman. 

Kanyang sinabi na nais niyang maayos na ito sa lalong madaling panahon kasabay ng kanyang aplikasyon sa posisyon pagka-Ombudsman.