-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Inihahanda na ang kaso laban sa isang police at siyam na iba pang sangkot sa pagbiyahe ng mga illegal na pinutol na kahoy sa Aglipay, Quirino.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCapt. William Agpalza, hepe ng Aglipay Police Station na maliban sa kasong kriminal ay mahaharap sa kasong administratibo at paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code of the Philippines si Police Corporal Grengo Frank Browner Eustaquio.

Kasong paglabag sa Presidential Decree 705 o Forestry Reform Code of the Philippines naman ang kakaharapin ng siyam na bogador o helper ng nasabing pulis.

Aabot sa 3,600 board feet ang nasamsam na pinutol na kahoy na isinakay sa puting Isuzu forward truck na may plakang RBH 282.

Nauna rito ay nadakip ang tsuper ng forward truck na si Redentor Silao, tatlumpu’t siyam na taong gulang, may-asawa kasama ang mga bogador o helper na sina Marjorie Silao, Jaynard Ladia, Jerick James Tiburcio, Francis Ladia, Donato Abon, Regie Reyes at dalawang iba pa na pawang residente ng Barangay Palacian, Aglipay, Quirino matapos masiraan ang truck kung saan isinakay ang mga pintutol na kahoy

Nasamsam kay Marjorie Silao ang isang cellphone kung saan mayroong text messages kay Police Corporal Grengo Frank Browner Eustaquio na kasapi ng Cabarroguis Municipal Police Station.

Lumabas sa pagsisiyasat nila sa pamamagitan ng mga text messsages na si Police Corporal Eustaquio ang nagsisilbing kapitalista sa illegal na pinutol na kahoy.

Agad na nagtungo ang mga kasapi ng Aglipay Police Station sa Cabarroguis Police Station at inaresto si Police Corporal Eustaquio , kung saan nasamsam ang kanyang cellphone at sa pamamagitan ng mga text messages kay Marjorie Silao ay napatunayang sangkot sa pagbiyahe ng mga illegal na kahoy.

Bagamat mariin namang itinatanggi ng pulis ang ugnayan sa pagbiyahe ng mga kahoy ay nakita naman sa kanyang text messages na nag-uutos sa kanyang mga tauhan.