-- Advertisements --

Iniulat ng Department of Tourism (DOT) na may mga turistang stranded sa ilang lugar sa bansa matapos makansela ang transport services sa gitna ng masungit na panahon.

Base sa situational reports mula sa Regional Offices ng ahensiya nitong Lunes, Hulyo 21, sa Mimaropa o Region 4B nasa kabuuang 1,373 turista ang napaulat na stranded sa Palawan at 2 sa Occidental Mindoro.

Kinumpirma ng DOT Regional Office na pansamantalang suspendido ang biyahe sa dagat at kanselado rin ang maraming flights.

Sa Region 2 naman o Cagayan Valley, 34 na turista ang inisyal na napaulat na stranded sa Batanes noong Hulyo 18 kung saan unti-unting naibalik ang flight services noong Hulyo 20.

Sa kabutihang palad, ayon sa ahensiya walang napaulat na casualties o nasugatang mga turista.

Kaugnay nito, inactivate ng regional offices ang online monitoring system para sa mga stranded na turista at nakikipag-ugnayan na sa mga concerned agencies para makapagbigay ng tulong sa ground.

Pinapayuhan naman ng ahensiya ang mga turista na unahin ang kaligtasan sa pagbiyahe at i-check ang status ng flights at ferry services sa transport providers bago bumiyahe.

Para naman sa agarang tourist assistance, maaaring tawagan ang Tourist Assistance Call Center: 151-TOUR (151-8687).