Iniulat ng Department of Tourism (DOT) na umabot sa 2.98 milyong dayuhang turista ang dumating sa Pilipinas mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan.
Sa naturang bilang, 2.73 milyon ang mga banyagang turista, habang mahigit 267,000 naman ang overseas Filipino na may hawak na Philippine passport.
Bagama’t halos kapareho ito ng bilang noong nakaraang taon, mas mababa pa rin ito kumpara sa 4.13 milyong turista na dumating sa bansa bago ang pandemya noong taong 2019.
Sa harap ng mga puna hinggil sa umano’y mabagal at magastos na turismo sa bansa, mariing itinanggi ni Tourism Secretary Christina Garcia Frasco ang mga batikos. Giit ni Frasco, patuloy pa rin ang kontribusyon ng sektor ng turismo sa pambansang ekonomiya—sa kabila ng kakulangan sa pondo.
Tinukoy rin ng kalihim ang tuloy-tuloy na pagbabawas ng Kongreso sa pondo ng ahensya mula kasi sa P1.2 billion noong 2023, naging P200 million na lamang ito noong 2024, at 100 milyong piso ngayong taon.
Samantala, nangunguna pa rin sa listahan ng mga bansang pinanggagalingan ng mga turista ang South Korea, Estados Unidos, Japan, Australia, at Canada.