Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pansamantalang pagtataas ng 10 porsiyentong buwis sa mga imported na krudo at mga refined petroleum products.
Nakapaloob ito sa Executive Order (EO) 113 na pirmado ni Pangulong Duterte sa petsang May 2, 2020.
Sa ilalim ng kautusan, binigyang-diin ang pangangailangan ng karagdagang pondo ng pamahalaan para pantugon sa mga hakbang ng gobyerno laban sa COVID-19.
Batay sa umiiral na Customs and Tarrif Act, binibigyan ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa batay sa rekomendasyon ng National Economic Development Authority (NEDA) na itaas ang import duty o buwis sa mga imported na produkto na hindi lalagpas sa 10 porsiyento.
Inilabas ng Malacañang ang EO 113 habang nasa state of national emergency ang buong bansa dahil sa COVID-19.
Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Duterte ang Department of Budget and Management (DBM) na tiyakin na lahat ng kikitain ng pamahalaan sa pansamantalang pagtataas ng buwis sa imported na krudo at petroleum products ay mapupunta sa mga hakbang laban sa COVID-19 kabilang dito ang pagpapatupad ng social amelioration program (SAP) at iba pang klase ng tulong sa mga apektado ng nakamamatay na virus.
Ang kautusan ay magiging epektibo matapos maisapubliko sa official gazette o mga pahayagan at mananatili hangga’t umiiral ang Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act.