Naghain ang Office of the Ombudsman ng kasong graft laban kay dating Energy Secretary Alfonso Cusi at apat na iba pang dating opisyal ng Department of Energy kaugnay ng bentahan ng bahagi ng Chevron sa Malampaya gas project sa Udenna Corporation noong 2019.
Kabilang sa mga kinasuhan ay sina Donato Dionisio Marcos, Robert Uy, Leonido Pulido III, at Cesar Dela Fuente III, dahil sa umano’y paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ayon sa Partido Demokratiko Pilipino (PDP), na kasalukuyang pinamumunuan ni Cusi bilang acting chairman, ito ay parehong kaso na dati nang ibinasura ng Ombudsman dahil sa kawalan ng ebidensya.
Sinabi din ni PDP Deputy Spokesperson Atty. Ferdinand Topacio, kasalukuyan na itong nakabinbin sa Korte Suprema para sa review, kaya’t hindi na sila magbibigay ng karagdagang komento.
Samantala, sinabi ni Atty. Ruy Rondain, abogado ni Cusi, na wala pa silang natatanggap na opisyal na dokumento tungkol sa nasabing kaso at itinuturing nila itong hindi pa kumpirmado. Binanggit din niya na may petisyon sa Korte Suprema na kumukuwestyon sa biglaang pagbaligtad ng Ombudsman sa naunang desisyon na ibasura ang reklamo.
Batay sa naunang reklamo, nagdulot umano ng bilyun-bilyong pisong pagkalugi sa gobyerno ang kontrobersyal na bentahan, at sinasabing pinaboran umano nina Cusi at iba pang akusado ang Udenna Corp. ni Dennis Uy sa naturang transaksyon.