Patuloy ang malawakang modernisasyon ng Philippine Army bilang paghahanda sa transition mula sa internal security operations patungo sa mas malawak na papel sa territorial at external defense ng bansa.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay Col. Louie Dema-ala, tagapagsalita ng Philippine army, sinabi niyang tuloy-tuloy ang pagdating ng mga makabagong kagamitan tulad ng self-propelled howitzers at mga bagong tangke.
Ayon kay Dema-ala, bahagi ito ng pagpapalakas sa kakayahan ng hukbo sa harap ng mga lumalawak na banta sa seguridad ng bansa.
Aniya, hindi lang armas at kagamitan ang pokus ng modernisasyon.
Malaking tulong rin umano at nagbibigay ng mahalagang karanasan ang mga multilateral at bilateral exercises kasama ang allied countries sa pagpapabilis ng transition period.
Dagdag pa, pinaghahandaan ng Philippines Army ang lahat ng aspeto—mula sa pagtugon sa krisis hanggang sa pagprotekta sa teritoryo ng bansa.
Binigyang-diin din nito na ang modernisasyon ay hindi lamang para sa external defense kundi para rin sa kahandaan sa anumang sakuna o krisis sa loob ng bansa.
“Definitely, itong modernization programs, capabilities, equipment, trainings na nakukuha ng ating mga kasundaluhan thru yung ginagawa nating multilateral at bilateral exercises ay definitely nakakatulong sa ating hukbo dahil mas napapabilis nito ang ating transition from internal security operations to external defense,” saad pa ni Dema-ala.
Sa ngayon, nananatili pa umanong mataas ang morale ng kasundaluhan at pinasalamatan naman nito ang national government sa walang sawang suporta sa kanilang hanay kasabay ng pagtitiyak na gampanan ang kanilang mandato na protektahan ang sambayanan at ang teritoryo ng Pilipinas sa gitna ng hamon sa seguridad.
Nanawagan naman ito sa mga natitirang miyebro ng CPP-NPA na bumaba na at makiisa sa gobyerno tungo sa pag-unlad ng bansa.
“Hindi nakukuha sa karahasan, di nakukuha sa pagbibit ng armas ang gustong makuhang kapayapaan at kaunlaran. Kinakailangang magsama-sama tayo dahil andito naman ang ating gobyero, nakalatag ang lahat ng magandang programa. Ang kailangan lang ay magkaisa tayo para maging matahimik at maunlad ang ating bansa,”dagdag pa nito.