-- Advertisements --

LAOAG CITY – Kinumpirma ni PDRRMO Rizal Head, Loel Dong Malonzo na isa ang naitalang namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses.

Sa eksklusibong panayaman ng Bombo Radyo Laoag kay Malonzo, sinabi nito na namatay ang 15-taong gulang na binata matapos mabagsakan ng natumbang punong kahoy ang kanilang tahanan sa bayan ng Cainta.

Kaugnay nito, sinabi ni Malonzo na higit 13,000 pamilya ang kanilang inilikas dahil sa lakas ng ulan at pagtaas ng lebel ng tubig partikular sa bayan ng Montalban at San Mateo.

Aniya, umabot sa 800 milimiters ang naitalang taas ng tubig sa loob ng walong oras o katumbas ng 100 milimiters kada oras.

Ipinaalam ni Malonzo na tuloy-tuloy ang clearing operation ng PDRRMO ng Rizal sa tulong ng Phil. Army., PRC, Phil. Coast Guard, PNP at BFP.

Samantala, sinabi ni Malonzo na magsisimula ang pagbibigay ng tulong sa mga naapektuhan ng bagyo ngayong araw at ang unti-unting pagbabalik tahanan ng mga nailikas.