-- Advertisements --

LAOAG CITY – Natagpuan na isa nang malamig na bangkay ang isang lalaking ilang araw nang nawawala sa Barangay 16 San Marcos sa bayan ng San Nicolas dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Ayon kay P/Capt. Sygman Benigno, hepe ng San Nicolas Municipal Police Station, kinilala ang biktima na si Leonardo Tabora, 43 anyos, residente ng Barangay Balatong dito sa lungsod ng Laoag.

Batay aniya sa kanilang imbestigasyon, napansin ng dalawang residente ang mabahong amoy malapit sa pagawaan ng uling ng biktima.

Dahil dito, pinuntahan ng pamangkin ng biktima ang pinanggagalingan ng mabahong amoy kung saan nakita niya ang kamay ng isang tao mula sa lupa.

Paliwanag niya, nag-inoman ang biktima at anim pang indibidwal bago ang insidente.

Dagdag pa niya, naniniwala siyang may foul play sa insidente at nagsasagawa sila ngayon ng masusing imbestigasyon.

Samantala, nakita ang bangkay ng biktima na tinabonan ng lupa kasama ang mga kagamitan nito.