-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni Fr. Randy Manicap, tagapagsalita ng Kaammoyo ti Kappia na may dalawang magsasaka ang inaresto ng anim na sibilyang lalaki na pinaniniwalaang miyembro ng 102nd Infantry Battalion ng Philippine Army sa Barangay Dampig sa bayan ng Pagudpud dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Kinilala ang dalawang magsasaka na sina Belmar Garvida at Willy Bangngad.

Ayon kay Fr. Manicap, iniulat nila ang insidente sa Ilocos Human Rights Alliance sa pamamagitan ng Isnag Yapayao Balangon Tribal Council.

Aniya, nabigo ang mga kinauukulang indibidwal na magpakita ng warrant of arrest at tumanggi silang magpakilala sa mga miyembro ng katutubong komunidad.

Sabi niya na nakauwi si Garvida bandang alas-10 ng gabi habang si Bangngad ay nanatili sa kustodiya ng militar.

Paliwanag niya, bago maaresto ang dalawang magsasaka ay pinaniniwalaang biktima na sila ng physical at psychological torture.

Kaugnay nito, sinabi ni Fr. Manicap na ang komunidad ay nakatatanggap ng mga banta dahil sa planong pagtatayo ng isang malaking proyekto ng dam na mahigpit na tinutulan ng katutubong tribo.

Ang mga naarestong magsasaka ay naging biktima ng military and police surveillance, harassment at pananakot ng militar.

Idinagdag niya na mahigpit ang kanilang panawagan para sa agarang pagpapalaya ni Bangngad.

Samantala, ipinaalam Lt. Col. Luis Banoey, Commander ng 102nd Infantry Battalion ng Philippine Army, walang katotohanan ang pagdakip sa dalawang magsasaka dahil wala silang kapangyarihang arestuhin ang mga ito.