Tinitignan na dahilan ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga naging aksyon ng Chinese Coast Guard Vessel at ng People’s Liberation Army Navy Ship ay ang posibleng ‘miscalculations’ nito sa bilis ng seamanship ng PCG kaya ito nagdulot ng kolisyon sa Bajo de Masinloc.
Bagamat ayaw na magsalita ni PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela sa parte ng China ay ipinaliwanag niya na posibleng hindi natansya ng mga CCG vessels ang mabilis na pagkilos ng BRP Suluan sa sitwasyon na iyon.
Aniya, habang patuloy na binibilisan ng BRP Suluan ang pagiwas sa mga barko ng Tsina ay agad ding nagdagdag ng speed ang CCG Vessel 3104 gayundin ang PLA Navy Ship.
Paliwanag ni Tarriela, ang mga sasakyang pandagat ay hindi gaya ng isang sasakyan na kapag nag-break ay agad din na hihinto ang mismong sasakyan, ibig sabihin aniya nito ay mahihirapan nang umiwas agad at pahintuin ang ginawang pagliko ng navy ship kaya hindi na napigilan ang naging salpukan ng mga vessels.
Kaugnay naman sa namonitor na presensiya ng mga CCG vessels sa ilang bahagi ng West Philippine Sea na nakaharapa sa katubigang sakop ng Taiwan, itinanggi ni Tarriela na may koneksyon ito sa isyu ngayon sa Taiwan.
Paliwanag ni Tarriela, maraming mga bahagi ng WPS ang dinadaanan at pinapasukan ng mga CCG vessel kaya naman ayaw na muna iugnay ng tagapagsaloita ang mga naturang iligal na presensiya sa usapin ng isyu sa Taiwan.
Nauna naman na dito ay inihayag din ng tagapagsalita ang kanilang mga naging hakbang nitong Biyernes nang makita ang mga barko sa loob ng exclusive sconomic zone (EEZ) ng bansa.
Nagsagawa pa ng aerial inspection at radio challenge ang PCG laban sa mga vessels na naroon upang mataboy ang mga iligal na paglalayag ng mga ships na ito sa WPS.
Samantala, binigyang diin naman ni Tarriela na matapos ang naging kolisyon ng vessel at ng PLA navy ship ay agad na nagpaabot ng tulong ang kanilang tropa na siya namang hindi sinagot ng China.