NAGA CITY- Patay ang isang lalaki habang sugatan naman ang isa pa matapos ang nangyaring banggaan ng motrsiklo at pampasaherong jeep sa Brgy. Sta Cruz, San Jose Camarines Sur.

Kinilala ang drayber ng motor na si Nico Dizon at ang backrider nito na si Rose Belleca habang kinilala rin ang drayber ng jeep na si Jose Mendez.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PCapt. Margarito Manaog, hepe ng San Jose PNP, sinabi nitong nawalan umano ng kontrol si Dizon sa minamaneho nitong motor dahil sa mabilis nitong pagmamaneho na naging dahilan para tumama ito sa gilid na parte ng jeep.

Agad namang isinugod sa ospital si Dizon subalit idineklarang dead on arrival ng mga doktor habang nasa kritikal naman na kondisyon ang backrider nito na si Belleca.

Nabatid rin na walang lisensya si Dizon at hiniram lamang ang motor sa kanyang kapatid.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nasabing insidente.