Reading Time: 1 minute

CENTRAL MINDANAO – Patay ang isang binatilyo at tatlo ang sugatan sa vehicular crash sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Mohadz Adil, 17, habang sugatan naman sina Alpie Ladturon, Abdul Mandulinay at Brijam Amad, pawang mga residente ng Pikit, Cotabato.

Ayon kay Pikit chief of police, Major Mautin Pangandigan, habang sakay ang mga biktima sa isang payong-payong na traysikad sa Brgy Dalingaoen, Pikit, North Cotabato ay bigla umanong sumabog ang unahang gulong nito at bumangga sa kasalubong na D4D van.

Wasak ang traysikad at on the spot na nasawi si Adil habang sugatan ang kanyang tatlong kasamahan.

Ligtas naman ang driver at isang sakay ng van na nahulog sa gilid ng national highway dahil iniwasan nito ang traysikad.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng traffic unit ng Pikit PNP sa naturang pangyayari.