CENTRAL MINDANAO – Isa ang nasawi at isa ang nasugatan sa pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang nasawi na si Jonna Baylin Racquel habang sugatan ang kanyang mister na si Danny Jarabata Racquel, mga residente ng Kabacan, North Cotabato.

Ayon kay Kabacan chief of police, Major Realan Mamon na lulan ang mga biktima sa isang motorsiklo mula sa kanilang tahanan patungong public market ngunit pagsapit nila sa Maria Clara St., Brgy. Poblacion, Kabacan, Cotabato ay doon na sila dinikitan ng riding in tandem suspects at pinagbabaril gamit ang kalibre .45 na pistola.

Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa liblib na lugar sa bayan ng Kabacan.

Agad dinala ng mga nagrespondeng pulis ang mag-asawa sa pagamutan ngunit hindi na umabot ng buhay si Jonna na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Habang nailipat sa malaking pagamutan sa Kidapawan City si Danny Racquel at nasa masilang kondisyon.

Agad inatasan ni Kabacan Mayor Herlo Guzman Jr. ang pulisya sa malalimang imbestigasyon sa kaso sa pamamaril sa mag-asawa.

Sa ngayon ay blangko pa ang Kabacan PNP sa motibo sa pamamaril sa mga biktima at patuloy pa silang nag-iimbestiga.