Patuloy na pinaghahanap ng Joint Task Force (JTF)-Sulu ang isang indibidwal na nawawala matapos lumubog ang isang motor boat nitong Biyernes, October 16, sa karagatan ng Patikul.
Ayon kay JTF-Sulu Spokesperson Lt.Col. Ronaldo Mateo, bandang alas-7:40 ng umaga kahapon nang ma-rescue naman ang limang indibidwal.
Nakatanggap aniya sila ng ulat mula sa mga opisyal ng Patikul na isang motorized boat ang lumubog dahil sa masamang lagay ng panahon.
Kaagad namang rumesponde ang Naval Task Group Sulu sa pamumuno ni Ruben Candelario at pinadala ang isang Multi-Purpose Attack Craft (MPAC) para magsagawa ng search and rescue operation.
Matapos ang 17 oras na search and rescue operations, nagtagumpay ang mga sundalo na mailigtas ang lima sa anim na pasahero ng lumubog na bangka sa may vicinity ng Bacungan at Panganaa islands ng Barangay Bonbon, Patikul, Sulu.
Kinilala naman ni Col. Candelaro ang mga na-rescue na sina Kaisar Pulalon, Rene Pulalon, Alvin Pulalon, Rene Pulalon at Alnaser Hadjirul.
“We are still searching for Arman Pulalon, the last remaining passenger. These individuals are local fishermen from Indanan,Sulu who came to Patikul waters amid heavy rains to fish,” wika ni Col. Candelario.
Siniguro naman ni JTF Sulu Commander M/Gen. William Gonzalez na nakahanda ang mga sundalo na tumugon at rumesponde sa anumang Humanitarian Assistance and Disaster Relief operations.