-- Advertisements --

Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga scammer na nagpapakalat ng pekeng impormasyon hinggil sa umano’y kinaroroonan ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, kasunod ng ulat na ito’y nagtatago matapos ang arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay NBI Director Melvin Matibag, hindi magdadalawang-isip ang ahensya na arestuhin ang sinumang gagamit ng isyu upang manloko ng publiko.

“Baka mauna pa kayo mahuli kay Sen. Bato ‘pag ganyan ‘yung ginawa ninyo,” babala ni Matibag sa isang pulong balitaan nitong Mayo 29.

“Huhulihin din po namin kayo,” dagdag pa niya.

Sa parehong briefing, ipinakita ng NBI ang isang lalaki na inaresto ng kanilang Organized and Transnational Crimes Division (OTCD) sa isang condominium sa Quezon City noong Mayo 19.

Ayon sa ahensya, nagpapanggap umano ito bilang opisyal ng gobyerno upang makapanloko ng mga biktima.

“Maraming nabiktima ‘to,” ani Matibag, na tinukoy ang modus ng suspek na magpanggap na opisyal ng pamahalaan upang manghingi ng pera.

Ayon sa NBI, nakuha rin mula sa suspek ang mga mobile device nito na posibleng naglalaman ng sensitibong impormasyon.

“Ang nakakaalarma dito ay ang access niya sa data, lalo na sa contact numbers ng mga high-ranking officials,” sabi ni Matibag.

Bago ang pag-aresto, sinabi ng NBI chief na nakatanggap siya ng impormasyon mula kay Executive Secretary Ralph Recto hinggil sa isang indibidwal na nag-aangking may alam sa kinaroroonan ni Dela Rosa.

Ibinahagi rin ni Matibag na personal niyang nakausap ang suspek, na nagpakilalang dating tauhan ng dating Ilocos Sur governor Chavit Singson at humihingi umano ng tulong pinansyal para sa kanyang anak na may sakit.

Dahil dito, nagpadala umano si Matibag ng maliit na halaga upang beripikahin ang impormasyon, ngunit kalaunan ay muling humingi ng mas malaking halaga ang suspek.

“Nung pinadalhan ko na siya, humihingi ulit ng amount,” ani Matibag.

Sinabi rin ng NBI na sinimulan na nila ang entrapment operation ngunit tumigil sa pakikipag-ugnayan ang suspek bago ito natuloy.

Sa hiwalay na reklamo, naaresto rin ang suspek matapos umanong magpanggap bilang NBI official na kayang “magpaayos” o magpababa ng kaso kapalit ng pera.

Ayon sa imbestigasyon, ang numerong ginamit nito sa panloloko ay tumugma rin sa numerong ginamit sa pakikipag-ugnayan kay Matibag.

Nasa kustodiya na ng NBI ang suspek at sumasailalim sa inquest proceedings dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 matapos umanong makuhanan ng shabu at tetrahydrocannabinol.

Nadiskubre rin na may umiiral na warrant of arrest ang suspek para sa estafa at nakapagpiyansa na rin sa ilang kasong robbery at extortion.