Hindi bababa sa dalawang puno ng Narra mula Quirino Avenue ang inilipat patungong Hidden Garden sa Taft Avenue gamit ang tinatawag na earthballing process, bilang bahagi ng paghahanda para sa Southern Access Link Expressway (SALEX) project.
Ang earthballing ay proseso kung saan hinuhukay ang puno kasama ang buong ugat upang mailipat sa ibang lugar.
Target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na mailipat ang mahigit 90 puno sa iba’t ibang bahagi ng Maynila.
Ayon kay Arturo Calderon ng DENR-NCR, may malaking tsansa na mabuhay ang mga inilipat na puno kung tama ang proseso at maayos ang pangangalaga, kabilang ang regular na pagdidilig at paggamit ng rooting hormones.
Gayunman, hindi lahat ng puno ay maaaring mailigtas. Ayon sa DENR, 16 sa mga puno sa lugar ay patay na, habang humigit-kumulang 500 pa ang may malalang sira.
May ilan ding puno na kailangang putulin dahil delikado na, kabilang ang isang nabubulok na puno na nakabalot na sa poste ng kuryente.
Ipinaliwanag ni forester Joel Rosal na ang ilang puno ay hindi na rin ligtas ilipat dahil sa pagkabulok at mababang tsansa ng survival kung itransplant.
May ilang residente at vendors naman ang nadismaya sa pagputol ng mga puno dahil nawalan sila ng lilim sa lugar.
Ayon sa DENR, kung hindi man mailipat ang ilang puno, papalitan ito ng panibagong pagtatanim sa ibang lugar. Gayunman, binigyang-diin ng mga eksperto na may epekto pa rin sa kapaligiran ang pagputol ng mga puno, lalo na sa mga lugar na prone sa pagbaha tulad ng Quirino Avenue.















