-- Advertisements --

Hiniling ni Vice President Sara Duterte sa Senate Impeachment Court na ibasura ang Articles of Impeachment laban sa kanya, na iginiit niyang may “fatal constitutional, procedural, and substantive defects.”

Sa isang mahabang sagot na isinumite ng kanyang mga abogado sa Senado nitong Lunes, Hunyo 1, sinabi ni Duterte na hindi umano nakatugon sa pamantayan ng Konstitusyon ang reklamo at dapat itong ibasura.

“The Articles of Impeachment suffer from fatal constitutional, procedural, and substantive defects. They fail to satisfy the standards required by the Constitution and, accordingly, should be dismissed,” ayon sa kanya.

Isa sa pangunahing argumento ng kampo ng Bise Presidente ay ang umano’y paglampas sa awtoridad ng House Committee on Justice, matapos nitong magsagawa ng tinawag na “mini-trial” sa pagdinig ng kaso.

Ayon pa sa depensa, tanging ang Kamara lamang ang may kapangyarihang mag-umpisa ng impeachment proceedings, habang ang Senado ang may tungkuling lumitis at magpasya sa kaso.

Iginiit din ng kampo ni Duterte na naapektuhan ang pagiging patas ng proseso dahil sa mga pahayag umano ng ilang mambabatas na may sapat nang boto para sa impeachment at malakas na ang ebidensya laban sa kanya bago pa man matapos ang pagdinig.

Ayon sa kanilang sagot, nilabag din ang karapatan ng Bise Presidente sa due process dahil may mga bagong ebidensyang iniharap sa pagdinig na hindi umano kasama sa orihinal na reklamo.

“This deprived her of a meaningful opportunity to address the allegations against her and constitutes a fundamental violation of due process,” nakasaad sa dokumento.

Mariin ding itinanggi ni Duterte ang mga paratang kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential funds, unexplained wealth, at paglabag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Giit ng kanyang kampo, wala pang pinal na desisyon mula sa anumang hukuman na nagpapatunay ng graft, corruption, plunder, o anumang iregularidad sa paggamit ng pondo.

“Ang mga paratang ay nakabatay lamang sa assumptions, conjectures, and speculative inferences,” ayon sa depensa.

Bukod dito nabigo umano ang Articles of Impeachment na patunayan ang alinman mang batayan sa konstitusyon para patunayan na siyang nagkasala, kabilang ang culpable violation of the Constitution, bribery, graft and corruption, high crimes, o betrayal of public trust.