Binatikos ng Senate Minority Bloc ang tila ”pag-boycott” ng lahat ng miyembro ng majority bloc sa plenary session nitong Lunes kasunod ng boluntaryong pagsuko ni Senator Jinggoy Estrada sa mga awtoridad.
Ayon sa 11 miyembro ng minority na tinawag na Solid Bloc-11 (SB-11), naghintay sila ng dalawang oras para sa nakatakdang 5 p.m. plenary session ngunit hindi ito nasimulan dahil sa hindi pagdalo ng lahat ng miyembro ng majority bloc, kabilang na si Senate President Alan Peter Cayetano.
“The claim that this is about Senate independence is false, because what happened today was about the rule of law, public accountability and a lawful process before the Ombudsman and the Sandiganbayan that no senator, no bloc and no presiding officer controls,” ayon sa joint statement ng minorya.
Dagdag pa nila,“This is a boycott because of the arrest of Senator Jinggoy Estrada, and the public should not be asked to believe another convenient line from a leadership that has repeatedly twisted the truth.”
Bago ang hindi pagdalo sa plenaryo, sinamahan si Estrada nina Cayetano at ilang miyembro ng majority na sina Imee Marcos, Rodante Marcoleta, Camille Villar, at Mark Villar, bago ipatupad ang kanyang pag-aresto kaugnay ng warrant mula sa Sandiganbayan bunsod ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y flood control anomalies.
Bandang isang oras at kalahati matapos ang nakatakdang session, nanawagan si Cayetano sa minority na sumama sa majority upang magkaisa sa pagtatanggol sa kalayaan at kasarinlan ng Senado sa gitna ng mga usaping bumabalot sa liderato at operasyon ng mataas na kapulungan.
Gayunpaman, banat ng minority bloc na ang mga nangyayari ay para lang ipatupad ang accountability.
“Today was a step toward accountability in a controversy that the public has long demanded action on, and after years of people asking why nothing was happening in flood control investigations, it is unacceptable to suddenly call the rule of law an attack on the Senate,” pahayag nila.
Nagpahayag din sila ng matinding tanong kay Cayetano: “Senate President Alan Cayetano ba ay kumukwestiyon na sa rule of law?”
Ayon pa sa minority, maaaring iniiwasan umano ng liderato ang direktang banggaan ng boto sa plenaryo.
“They want us to join the boycott, silence the Senate, and use the minority to allow the Senate president to remain in office while avoiding the real test of numbers on the floor,” dagdag nila.
Sa huli nanawagan ang minorya na buksan muli ang Plenaryo at ipagpatuloy ang trabaho nito bago ang nakatakdang adjournment ng 20th Congress sa Hunyo 5, kung saan ang huling plenary session ay sa Hunyo 3.
Bagama’t hindi maaaring magplenaryo sa panahon ng adjournment, maaari pa ring magsagawa ng committee hearings ang Senado.
















