-- Advertisements --

May nakahanda nang donasyon ang United Kingdom para sa mga Pilipinong nasalanta sa paghagupit ng bagyong Rolly sa bansa.

Kinumpirma ang balitang ito ni Foreign, Commonwealth and Development Office (FCDO) Minister for Asia Nigel Adams.

Ibibigay aniya nila ang tulong pinansya sa International Federation of Red Cross (IFRC) na nakalaan para sa 80,000 Pilipino at halos 160,000 katao mula Vietnam. Sa oras na matanggap na ng IFRC ang pera ay saka lamang ito ipapamahagi sa mga local Red Cross partners.

Ayon kay Adams, batid ng UK kung ano ang epekto sa kabuhayan ng mga Pilipino at Vietnamese ang pagtama ng bagyo.

Layunin ng tulong pinansyal na ito ay para tumulong na maghatid ng life-saving food, malinis na tubis, at maayos na tutuluyan ng mga biktima ng nagdaang kalamidad.

Sa kabilang banda ay naglunsad ang IFRC ng emergency appeal para sa Pilipinas Vietnam upang pagbutihin pa ng Red Cross ang kanilang ginagawang pagtulong sa dalawang bansa.

Aabot ng 17 katao ang nasawi dahil sa pananalanta ng bagyong Rolly sa bansa habang nag-iwan naman ito ng libo-libong katao na walang tutuluyan sa papalapit na pasko.

Hinagupit din ng apat na bagyo ang Vietnam kung saan mahigit 1.3 milyong katao ang naapektuhan at aabot naman ng 300,000 bahay ang nasira.