-- Advertisements --

Nabulabog ang mga residente sa Edison Street, Barangay San Isidro, Makati City matapos umalingawngaw ang magkakasunod na putok ng baril maga-alas-8:00 ng gabi nitong Biyernes, Agosto 1.

Isang tauhan ng PNP Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang nasugatan matapos pagbabarilin ng dalawang suspek na riding-in-tandem sa tapat mismo ng isang carwash.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo sa nakasaksi sa pamamaril na may-ari ng carwash at kumare ng biktimang pulis na si Elvie Ebero, hold up ang motibo ng mga hindi pa nakikilalang mga suspek sa krimen. Aniya, tinangay ng mga nakatakas na suspek ang makapal na kwintas na suot ng pulis.

Paalis na aniya noon ang biktima kasama ang kaniyang anak nang biglang lapitan ng mga suspek ang pulis at pinagbabaril. Kwento pa ni Elvie, kumpare niya ang pulis at wala itong nakaalitan.

Posible din aniyang mga dayo sa lugar ang mga suspek.

Tumutugma naman ang salaysay ni Elvie sa kuha ng kanilang CCTV footage sa insidente ng pamamaril. Sa unang video, makikitang tinatangkang hablutin ng mga suspek ang kwintas at tinutukan ng baril ang biktima subalit nagawa niyang makatakbo mula sa mga suspek. Sa ikalawang video, hindi pa rin siya tinantanan ng mga suspek at hinabol saka doon na pinagbabaril. Makikitang pilit na kinukuha ng isa sa mga suspek ang isang bagay mula sa nakahandusay na biktima hanggang sa matangay ito.

Ayon kay Elvie, na kasama ding nagsugod sa biktima sa ospital, may malay pa ito nang dalhin sa pagamutan na tinatayang nagtamo ng 9 na tama ng bala at isinailalim sa operasyon.

Sa pagsisiyasat naman ng mga imbestigador mula sa Scene of the Crime Operations (SOCO), narekober ang kabuuang 15 basyo ng bala mula sa pinangyarihan ng krimen. Isinailalim naman ang mga ito sa forensic ballistic examination para matukoy ang klase ng baril na ginamit ng mga suspek sa krimen.

Samantala, tumanggi munang magbigay ng impormasyon ang Makati City Police Station dahil biniberipika pa nila ang pagkakakilanlan ng tauhan ng PNP-HPG gayundin ang resulta ng kanilang inisyal na imbestigasyon.