-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Isinailalim ng LGU-Mlang sa total lockdown ang Barangay Lika, M’lang, North Cotabato kung saan nakatira ang 19-anyos na nagpositibo sa COVID-19.

Ito ang naging kautusan ni M’lang Mayor Russel Abonado.

Nais ng LGU-M’lang na masiguro ang kalusugan ng mamamayan at hindi na makahawa ang biktima.

Ang biktima na isang lalaki at estudyante sa isang kolehiyo sa Davao City ay nakisakay sa isang ambulansiya na may dalang pasyente mula sa Davao City patungong M’lang, Cotabato.

Hindi kasali sa ambulance trip manifest ang binata at hindi nakapagrehistro sa Task Force Sagip nang dumating ito sa M’lang noong Mayo 6.

Hindi rin sumailalim sa 14 day quarantine ang binata at walang quarantine certificate mula sa Davao City.

Noong Mayo 9 nakaranas ng pamamaga ng lalamunan (sore throat) ang binata at pinainom ng antibiotics ng Mlang Municipal Health Office (MHO).

Hanggang Mayo 14 hindi pa rin gumaling sa kanyang sore throat ang estudyante kaya kinunan sya ng swab specimen at pagdating ng Mayo 17 nagpositibo ito sa Covid 19 sa PCR test.

Naglunsad rin ng malawakang contact tracing ang MHO Mlang sa mga nakasalamuha ng estudyante kasali na ang kanyang pamilya, mga kaibigan, dalawang nurses, doktor at driver ng ambulansya.

Nag-imbestiga na rin ang DOH at Inter-Agency Task Force on COVID-19 sa hindi pagsunod sa mga alituntunin na umiiral sa bansa kontra sa nakakahawang sakit.