-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inilabas ni Governor Matthew Marcos Manotoc ang isang pirmadong dokumento hinggil sa pagpapatupad ng modified enhanced community quarantine (MECQ) sa Lungsod ng Laoag simula bukas, Nobyembre 27.

Ito’y dahil sa pagtaas ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Nakasaad sa dokumento na magtatagal ang MECQ hanggang sa bumaba na ang kaso dito sa lungsod.

Pinaalalahanan din ng gobernador ang publiko na huwag basta maniniwala sa premature o yaong mga hindi kumpirmadong impormasyon.

Aniya, ginagawa ng provincial government at lokal na gobyerno ng lungsod ang lahat para maging ligtas ang mga residente.

Samantala, kinumpirma ni ABC President Mikee Fariñas at Police Lt. Col. Rafael Lero, hepe ng Laoag City sa kanilang meeting kahapon, ang ilang mga patakaran sa gitna ng MECQ.

Kabilang dito ang hindi muna pagpapapasok sa mga galing sa ibang bayan maliban na lamang sa mga APOR (authorized person outside residente) o nagtatrabaho sa mga essential establishment.

Bawal lumabas sa tahanan ang mga 60-anyos pataas at 18-anyos pababa, gayundin ang pagtungo sa ibang barangay.

Maglalagay din ng barikada ang mga barangay kung saan iisa lang ang entry at exit point sa bawat barangay.

Base sa data ng provincial government, umaabot sa 90 ang kabuuang kaso ng virus sa Laoag City kung saan 53 ang active cases at 37 ang recoveries.

Sa buong lalawigan ay umaabot na sa 220 ang kaso ng COVID, 62 rito ang active cases, habang mayroong 156 recoveries at dalawa ang namatay.

Sa kabilang dako, nagdulot ng panic buying sa mga residente simula kagabi dahil mahihirapan na raw silang lumabas kapag epektibo na ang MECQ.