Ibinabala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa publiko ang deepfake video na kumakalat online na ginagamit ang imahe ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pag-promote ng online trading platform.
Ang naturang video ay ipinost sa isang facebook page na mina-manage mula pa sa ibang bansa at may link na nagdidirekta sa mga user sa isang e-commerce site.
Ayon sa CICC, natukoy sa kanilang isinagawang technical review na gumagamit ang video ng deepfake technology, gamit ang AI-based manipulation para dayain ang visual elements at gayahin ang pag-endorso ng Pangulo.
Kaugnay nito, humiling na ang CICC sa social media platorms na tanggalin ang naturang content kasama ang iba pang may kaugnayan na posts.
Patuloy naman ang pag-monitor ng ahensiya sa mga banta ng ganitong panloloko at hinimok ang publiko na i-assess nang maigi ang mga ineendorso online partikular na ang mga sangkot na public officials, eksaheradang pangako o hindi beripikadong platforms.
Samantala, inaksyunan na rin ito ng Palasyo Malacañang kung saan sinabi ng Presidential Communicastions Office (PCO) na papangunahin nito ang pagbuo ng isang National Deepfake Task Force para matugunan ang mga pinapakalat na maling impormasyon laban sa gobyerno at mga indibidwal sa bansa.