Nagpahayag ng mga pag-aalinlangan si San Juan City Mayor at Metro Manila Council (MMC) President Francis Zamora ukol sa panukalang total parking ban sa Metro Manila.
Ayon sa Alkalde, magiging mahirap na ipatupad ang ganitong ban, lalo na sa mga inner at tertiary roads na hindi gaanong dinadaanan ng mga sasakyan.
Sa isang pagpupulong noong Agosto 1, inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang panukala na magpatupad ng total parking ban mula ala-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi upang maibsan ang problema sa trapiko.
Ayon kay Zamora, maaaring ipatupad ang parking ban sa mga pangunahing kalsada, ngunit dapat ay payagan ang regulated parking sa mga secondary o inner roads na hindi naman nakakasagabal sa daloy ng trapiko.
Ang DILG at MMDA ay magbuo ng isang technical working group upang masusing pag-aralan ang isyu, at inaasahang maglalabas ng pinal na polisiya sa Setyembre 1, 2025.