Ikinabit ni Former House Committee on Appropriations na si Zaldy Co si House Majority Leader Sandro Marcos, anak ng Pangulo, sa umano’y iligal na insertion ng pondo sa budget.
Sa isang bagong video na ipinost sa kanyang social media, sinabi ni Co na pinamunuan ni Marcos ang P9.636 bilyon na insertion sa 2023 budget, P20.174 bilyon sa 2024, at P21.127 bilyon sa 2025.
Ayon sa kanya, nalaman niya mula sa mga kontratista na galit umano si Marcos noong tinatalakay ang 2025 GAA budget. Sinabi umano ni Marcos na aalisin siya sa pwesto at magfi-file ng maraming kaso laban sa kanya dahil kulang ng P8 bilyon ang insertion na nais ipasok.
Noong nakaraan, inireklamo ni Co si Pangulo Ferdinand Marcos Jr. at ang pinsan nito na si dating House Speaker Martin Romualdez sa umano’y kickbacks mula sa budget insertions.
Sa bagong video, sinabi ni Co na direktang iniutos umano ng Pangulo na ipagpatuloy ang mga insertion. Aniya, nang magkita sila ni Marcos sa Malacañang noong Marso, na kasama rin umano si Romualdez, malinaw na hindi dapat siya humadlang sa mga insertion.
Ayon kay Co, inayos ni Undersecretary Jojo Cadiz ang pulong matapos magalit ang Pangulo, kahit na umano’y naipasa na niya ang P1 bilyon sa “payouts” noong Disyembre 2024 at sumunod sa P100 bilyong insertion sa 2025 budget na iniutos umano ni Marcos.
Sinabi ni Co na nagsulat siya ng “confidential” na liham sa Pangulo noong Pebrero 2025, ipinaliwanag na sumunod siya sa direktiba na ipinasa ni dating Budget Secretary Amenah Pangandaman. Sa pulong umano noong Marso 2025, malinaw sa kanya na ang mga utos tungkol sa P100 bilyong insertion ay galing mismo sa Pangulo.
Inilabas ni Co ang pahayag matapos tawaging “hearsay” ng Malacañang ang kanyang nakaraang pahayag.(report by Bombo Jai)
















