Nakatakda nang bumalik ng bansa bukas, Oktubre 14, ang Filipino gymnast na si Carlos Edriel “Caloy” Yulo.

Ito’y matapos manalo ng gold medal sa men’s floor exercise event ng 41st FIG Artistic Gymnastics World Championships sa Hans Schleyer Halle, Germany.

Nauna nang nakatakdang lumipad pabalik ng Tokyo sina Yulo at kanyang coach na si Munehiro Kugimiya para mag-training ulit.

Pero sinabihan sila ni GAP President Cynthia Carrion na umuwi muna ng Pilipinas dahil inaayos na ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez ang courtesy call ng tatlo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa darating na Miyerkules sa Malacanang.

“We are thrilled with the golden performance with Yulo at the world champs. President Rodrigo Duterte is happy,” saad ni Ramirez sa isang statement.

“Executive Secretary Salvador Medialdea and (former Special Assistant to the President and) Sen. Bong Go have been monitoring the competition,” dagdag pa nito.

“The Office of the President and the PSC family congratulates Caloy on this achievement. Mabuhay ang atletang Pilipino!”

Samantala, nagpadala ng kanyang pagbati para kay Yulo si Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino.

“His accomplishment should inspire our other athletes to do well in the 30th Southeast Asian Games in December,” saad nito.

Nabatid na ito ang unang pagkakataon sa 41 editions ng global gymnastics showcase na nagwagi ang Pilipinas sa torneyo.