VIGAN CITY – Patuloy pa rin umanong ipaglalaban sa Kongreso ang mga panawagan para sa kapakanan ng mga guro sa bansa kasabay ng selebrasyon ng National Teachers’ Month at World Teachers’ Day celebration ngayong Oktubre.
Kasama sa mga nasabing panawagan ang substantial increase sa sahod ng mga guro, dagdag na chalk allowance at iba pang benepisyo.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni ACT Teachers’ Partylist Rep. Frances Castro na sa ngayon ay marami sa mga kasamahan nito sa Kamara gayundin ang ilang senador ang sumusuporta sa kanilang panawagan na magkaroon ng substantial increase sa sahod ng mga guro.
Kaugnay nito, natutuwa aniya sila dahil sa suportang natatanggap ng kanilang grupo sa kanilang mga itinutulak na benepisyo para sa lahat ng mga guro sa bansa.
Ayon kay Castro, malaking bagay sa mga guro sa bansa kung matutupad ang kanilang itinutulak na dagdag-sahod dahil masusuklian nito ang lahat ng kanilang sakripisyo at paghihirap sa pagtuturo sa kanilang mga estudyante.
Sa katunayan, mamayang hapon umano ay magtutungo ang kanilang grupo sa Malacañang upang kalampagin ang kasalukuyang administrasyon na pagtuunan ng pansin ang kanilang hinaing na magkaroon ng substantial na dagdag-sahod.