-- Advertisements --

Matagumpay na na-rescue ng Bureau of Immigration sa Davao International Airport ang tatlong biktima ng trafficking na ni-recruit bilang entertainers sa Singapore.

Batay sa impormasyon ng BI Immigration Protection and Border Enforcement Section, ang nabanggit na mga indibidwal ay hinarang ng mga tauhan sa tangka nitong makalipad papalabas ng Pilipinas.

Natukoy ang dalawang biktima na nasa 20-taon gulang habang ang isa nama’y 18-taon gulang mula sa Luzon na nagtungo pa-Davao.

Giit ng tatlo na sila’y nagtatrabaho at para lamang magbakasyon ang kanilang pag-alis ngunit nang ito’y iberipika, natuklasan na sila’y ni-recruit para maging entertainers sa Singapore.

Ibinahagi ng mga biktima na wala umano silang binayaran para sa recruitment bagkus tangi lamang silang kakaltasan ng 5,000 Singaporean Dollars mula sa kanilang sweldo.

Ayon kay Bureau of Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, malinaw ito na isang kaso ng ‘human trafficking’ kung saa’y hindi patas o ‘unfair’ ang kasunduan.

Nai-turn-over na ang tatlong biktima sa inter-agency council against trafficking (IACAT) sa Davao International Airport sa pagpapatuloy ng imbestigasyon.

Habang kinilala naman na ang dalawang (2) posibleng recruiters na nag-ayos ng naturang alis o ‘travel’ ng mga biktima.