Pinigilan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang (2) babae na umano’y nagkunwaring empleyado ng House of Representatives dala ang mga pekeng dokumento sa trabaho mula sa pag-alis ng bansa kamakailan, ayon sa ahensya nitong Lunes.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang dalawang babae na may edad 25 at 26 ay naharang ng mga immigration officer sa Mactan-Cebu International Airport noong Enero 7 habang papasakay sa isang flight patungong Vietnam.
Sinabi ni Viado na iginiit ng dalawa na sila ay mga encoder sa Kamara at magbabakasyon lamang sa Vietnam. Gayunman, napansin ng mga awtoridad ang mga hindi tugmang pahayag ng mga pasahero, dahilan upang isailalim sila sa secondary inspection.
Sa beripikasyon, dito natuklasan ng BI na peke ang mga certificate of employment na ipinakita ng dalawang babae.
Sa isinagawang pagtatanong, inamin umano ng mga ito na sila ay na-recruit online ng isang hindi pa nakikilalang babae at nagbayad ng mahigit P100,000 bawat isa para sa pagproseso ng kanilang mga travel document.
Inatasan umano silang bumiyahe muna sa Vietnam upang doon hintayin ang kanilang visa at karagdagang detalye bago tumuloy sa Bulgaria, kung saan sila ay inaasahang magtatrabaho bilang restaurant crew.
Hindi na ibinunyag ng BI ang pagkakakilanlan ng dalawang babae at sila ay ipinasa na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong at para sa paghahain ng nararapat na kaso laban sa recruiter.















