KALIBO, Aklan – Buo ang suporta ng mga Canadians sa kanilang team na Toronto Raptors, manalo man o matalo sa Golden State Warriors sa NBA Finals.

Sa interview ng Bombo Radyo, sinabi ni Lorger Pronton Geronimo, tubong Brgy. Jugas, New Washington, Aklan at kasalukuyang nakatira sa Montreal, Quebec, Canada na patunay umano dito ang milyun-milyong Canadians na tumutok sa Game 1 noong Biyernes, oras sa Pilipinas.

Maraming dahilan umano upang magdiwang ang mga taga-Canada dahil sa loob ng 25 anyos ay ngayon lamang nakapasok ang koponan sa finals.

Maliban dito, ang Raptors pa ang unang nakapuntos laban sa Warriors.

Sa kasalukuyan ay pinaghahandaan na umano ng mga Sports Bar ang Game 2 ng laro sa Lunes.