Inanunsyo ng head ng World Health Organization (WHO) na si Tedros Adhanom Ghebreyesus noong Miyerkules (local time) na babawasan ng halos kalahati ang kanilang executive management team sa gitna ng matinding kakulangan sa pondo bunsod ng pagputol ng pondo ng Estados Unidos.
Mula 11, anim na opisyal na lang ang bubuo sa bagong pamunuan ng headquarters ng WHO sa Geneva simula Hunyo 16. Kabilang sa mga aalis ay sina Mike Ryan, director ng emergency response, at Bruce Aylward, head ng universal health coverage program at mga pangunahing tauhan sa laban ng WHO kontra COVID-19.
Ayon kay Tedros, malaki ang utang na loob ng organisasyon kay Ryan dahil sa kanyang mahalagang papel noong pandemya.
Mananatili naman sa bagong team si Jeremy Farrar bilang assistant director-general sa health promotion. Ang kanyang dating posisyon bilang chief scientist ay ililipat kay Dr. Sylvie Briand ng France.
Nagbabala si Tedros noong Abril na haharap ang WHO sa kakulangan sa suweldo na aabot sa $560 million hanggang $650 million para sa taong 2026-2027. Hindi pa rin nagbayad ng 2024 contributions ang U.S. at hindi inaasahang magbabayad sa 2025.
Nabatid na ang Estados Unidos ang pinakamalaking donor ng WHO, na nagbigay ng $1.3 billion para sa 2022-2023 budget. Ngunit karamihan dito ay boluntaryong kontribusyon para sa partikular na proyekto, hindi bilang bahagi ng opisyal na membership dues.
Inaasahang pag-uusapan ang isyung ito sa darating na taunang World Health Assembly ng WHO sa susunod na linggo.