Kinumpirma ng National Bureau of Investigation na mananatili sa kanilang pangangalaga si Sarah Discaya habang hinihintay na ilabas ng korte ang arrest warrant laban sa kanya.
Ayon naman sa abogado ni Discaya na si Atty. Cornelio Samaniego III, ang pangunahing layunin ng kanilang pagpapasya na manatili si Discaya sa NBI ay upang maiwasan ang anumang potensyal na abala sa panig ng mga arresting team na itatalaga upang isagawa ang pag-aresto, oras na pormal nang mailabas ang arrest warrant.
Dagdag pa ni Atty. Samaniego, ang hakbang na ito ay nagsisilbi ring pagpapakita ng kahandaan ni Ginang Discaya na harapin ang lahat ng mga kaso na isinampa laban sa kanya.
Ipinapakita nito ang kanyang determinasyon na sumunod sa proseso ng batas at linawin ang kanyang panig sa mga kinauukulan.
Binigyang-linaw din ni Atty. Samaniego na bago pa man ang naging pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. hinggil sa kaso, ay matagal na nilang kinukonsidera ang boluntaryong pagpapakustodiya ni Ginang Discaya sa NBI.
Ito ay upang matiyak na hindi na umano mahaharass pa ang kanilang kliyente at upang maging maayos at mapayapa ang pagharap nito sa mga legal na proseso.














