Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) sa publiko na sapat ang kanilang bilang ng mga tauhan at ang lahat ng kinakailangang resources upang tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong bansa, partikular na sa kalagitnaan ng ikakasang tatlong araw na tigil-pasada na nakatakdang magsimula bukas, December 9, 2025.
Ayon kay acting PNP Chief, Police Lieutenant General Jose Melencio Nartatez Jr., agad na siyang nagbigay ng direktiba at inatasan ang lahat ng police commander sa iba’t ibang rehiyon at probinsya na makipag-ugnayan nang malapit sa mga lokal na pamahalaan (LGU) at iba pang ahensya ng gobyerno para sa isang pinag-isang at koordinadong tugon.
Layunin ng hakbang na ito na mabawasan ang potensyal na epekto ng transport strike sa publiko, lalo na sa usapin ng transportasyon at seguridad.
Ang hakbang na ito ng PNP ay alinsunod sa direktiba na ipinalabas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., na nag-uutos na tiyakin ang kaligtasan ng publiko sa lahat ng oras, panatilihin ang maayos na galaw ng transportasyon sa iba’t ibang lugar.
Magugunitang kamakailan lamang ay inanunsiyo ng transport group na MANIBELA ang kanilang planong magsagawa ng isang nationwide transport strike na tatagal mula December 9 hanggang 11.
Ito ay bilang protesta sa kanilang idinadaing na sobrang taas na multa na ipinapataw sa kanila, at ang mabagal na pagproseso ng mga kinakailangang dokumento sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Sinabi pa ng acting PNP Chief na magde-deploy sila ng karagdagang bilang ng mga pulis sa mga pangunahing transport hub sa buong bansa, gayundin sa mga pangunahing kalsada at mga apektadong ruta na posibleng pagdausan ng tigil-pasada.














